Kinumpirma mismo ng pamunuan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na hindi na gagamit ng sirena at blinkers o wang-wang.
Ang naturang hakbang ng MMDA ay nilang pagsunod na rin sa pahayag ni BGen. Rommel Marbil, chief ng Philippine National Police-Highway Patrol Group (PNP-HPG) na ang MMDA, Land Transportation Office (LTO) at Land Transporation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ay hindi kasama sa pinapayagang gumamit ng wang-wang.
Ayon kay Col. Bong Nebrija Chief ng MMDA Task Force Special Operations, magbubusina na lang sila sa halip na wang-wang tuwing mayroong silang operasyon.
Paliwanag pa ni Nebrija, mapupulaan lang ang MMDA kung patuloy na gagamit ng wang-wang dahil baka sila pa ang mapag-initan at maging laman ng mga balita dahil ito aniya ay labag sa batas.
Pero paglilinaw ni Nebrija, kung mayroong tatakbong traffic violators ay pababayaan na lang ito ng MMDA dahil baka makadisgrasya pa sila kung busina at flashing headlight lang ang kanilang gagamitin habang humahabol sa mga lumalabag sa batas-trapiko.
Binigyang diin pa ng opisyal na ang MMDA ay hindi muna umano mag-o-operate hangga’t matanggal ang lahat ng wang-wang sa kanilang mga motorsiklo at sasakyan.