Binigyang linaw ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Benjur Abalos na may kapangyarihan ang mga lokal na pamahalaan na i-restrict ang galaw ng kanilang mga nasasakupan lalo na ang mga hindi bakunado kahit pa nasa ilalim na ngayon ang Metro Manila ng Alert Level 2.
Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni Abalos na karamihan ng mga Local Government Units (LGUs) sa National Capital Region (NCR) ay otomatikong ni-lift ang “No Vaxx, No Ride” o “No Vaxx, No Labas” policy ngayong ibinaba na sa Alert Level 2 ang status tulad ng Las Piñas, Malabon, Mandaluyong, Manila, Marikina, Muntinlupa, Navotas, Pasig, San Juan, Taguig at Valenzuela.
Pero may ilang LGU ang hindi ito otomatiko tulad sa Pasay, habang bukas pa lamang maglalabas ng ordinansa hinggil dito ang Pateros.
Paliwanag ni Abalos, pwede pa ring mag-restrict ng movement ang isang LGU basta’t hindi ito mas mahigpit sa restrictions ipinatutupad sa mas mataas na Alert Level system.
Nabatid na nagdudulot kasi ito ng kalituhan dahil magkakaiba ang pinaiiral na patakaran pagdating sa paglimita ng galaw ng mga hindi bakunado.