
Hindi magpapatupad ng traffic rerouting ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa anti-corruption rallies sa Linggo sa Metro Manila.
Idaraos ng iba’t ibang grupo ang kanilang mga protesta sa tatlong magkakaibang lugar sa Metro Manila.
Magmamartsa at magtitipon sa EDSA People Power Monument, EDSA Shrine, at mayroon din sa Luneta.
Tiniyak naman ng MMDA na magde-deploy sila ng mga kawani para sa traffic management, crowd control, emergency response, at para masiguro ang kaligtasan ng mga dadalo sa protesta.
Sa EDSA People Power Monument, plano ng MMDA na magbukas ng zipper lane sa bahagi ng White Plains Avenue sakaling kailanganin at gagamitin ang bahagi ng Temple Drive bilang parking area.
Tutulong din ang MMDA sa Philippine National Police para tiyakin na walang anumang kaguluhang mangyayari sa protesta sa mga nasabing lugar at para matiyak na hindi makakaabala sa motorista.
Inaabisuhan naman ang mga dadalo sa protesta na iparada ang kanilang sasakyan sa mga shopping malls o sa mga malayo sa pagdarausan ng kilos-protesta at gamitin ang MRT at LRT lines patungo sa mga venues para walang maging problema sa parking.
Pinapayuhan din ang mga motorista at ang mga hindi lalahok sa mga protesta na umiwas sa mga lugar na apektado.









