Tinawag ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang pansin ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) dahil sa paninisi nito sa mga alkalde hinggil sa mga reklamong kanilang natatanggap ukol sa listahan ng mga benepisyaryo ng one-time cash assistance.
Matatandaang sinabi nina DSWD Spokesperson Irene Dumlao at Undersecretary Rene Glen Paje na ang Local Government Units (LGUs) ang magpapasya kung sino ang makakatanggap ng ₱1,000 individual financial aid sa NCR plus bubble.
Ayon kay MMDA Chairperson Benhur Abalos, hindi naman patas ito sa parte ng Metro Manila mayors.
Iginiit din ni Abalos na ang DSWD dapat ang nagbibigay ng listahan ng mga benepisyaryo batay na rin sa guidelines.
Hindi nagugustuhan ng mga alkalde ang nagyayari dahil sila ang inuulan ng batikos dahil sa listahan.
Nagsusumikap aniya ang mga mayor, hindi lamang para sa ayuda, pero sa lahat ng aspeto ng COVID-19 response.
Punto ni Abalos na hindi nakatutulong na may ganitong nagtuturuan.
Nakadepende aniya ang mga LGU sa listahang ibinigay ng DSWD para agad maipamahagi ang ayuda.
Dapat din sinabi ng DSWD na ang mga tinukoy nilang benepisyaryo sa listahan ay hindi eksakto at pawang gabay lamang.
Noong simula pa lamang ay dapat inamin na ng kagawaran na palpak ang kanilang listahan para pakiusapan ang mga alkalde na itama ito.