MMDA, humihingi ng tulong sa ilang LGU na hindi masyadong naapektuhan ng pagbaha na tulungan ang mga residente ng Marikina

Nagpasaklolo na ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa ilang mga Local Government Units (LGU) sa National Capital Region (NCR) na hindi gaanong napinsala ng Bagyong Ulysses na magbigay ng suporta o tulong sa mga residente ng Marikina City na lubhang naapektuhan ng Bagyong Ulysses.

Sa isinagawang virtual meeting ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), hiniling ni MMDA Chairman Danilo Lim sa maraming mga LGU na hindi masyadong naapektuhan sa paghagupit ng Bagyong Ulysses na suportahan ang Marikina City Government na lubhang sinalanta at binaha na hanggang bubong ang tubig partikular na sa Provident Village.

Paliwanag ni Lim, simula kagabi ay tinutugunan na nila ang lahat ng mga humihingi ng tulong gaya ng pagpapadala ng rubber boats at dump trucks sa mga apektadong lugar kung saan isa rin ang kalihim na kasalukuyang Chairman ng Metro Manila Disaster Risk Reduction and Management Council.


Dagdag pa ng kalihim, ang MMDA ay nagsasagawa ng rescue operations sa mga residente ng Marikina City na na-stranded sa kani-kanilang mga bahay kung saan nagpadala na siya ng dalawang rubber boats sa naturang lugar habang naka-standby ang isang dump truck sa Katipunanan-Aurora Blvd. sakaling mayroong humihingi ng assistance.

Giit pa ni Lim, 692 MMDA personnel ang kaniyang ipinakalat sa iba’t ibang lugar sa Metro Manila para umalalay sa mga naapektuhan ng Bagyong Ulysses operations kung saan nagpa-deploy na siya ng mga ambulansya, rubber boats, truck-mounted cranes, backhoes, water pumps at rescue sa Kalakhang Maynila.

Facebook Comments