Dismayado si MMDA Chairman Benhur Abalos nang makita ang mga basura na naipon mula sa trash trap na ikinabit sa ilog ng Brgy. 156 sa Tramo, Pasay City dahil posibleng makasira ito sa 45 taon na pumping station ng Trip de Galena.
Nagsagawa kasi ng inspeksyon si Chairman Abalos sa bagong install ng trash trap sa pumping station sa Estero ng Tripa de Galena sa Brgy 156 sa Pasay City.
Ayon kay Abalos, ang bagong install na trash trap ay makatutulong na mabawasan ang pinsala sa mga pumping station na dulot ng basura.
Inaagapan ng MMDA upang maiwasan ang mga pagbara ng mga basura at ma-ingat ang mga pumping station sa Metro Manila dahil sa nalalapit na tag-ulan na posibleng magkaroon ng mga pagbaha dulot ng mga basurang itinatapon sa Estero at ilog ng ilang mga residente na walang disiplina.
Isang backhoe ang patuloy na naghuhukay sa ilog sa Brgy. 156 Tramo sa Pasay bahagi ng pagtatanggal ng mga basura sa kahabaan ng Ilog Pasig.
Paliwanag ni Abalos, dapat maging responsable ang bawat isa at magtutulungan ang mamamayan upang maiwasan ang mga panganib dulot ng mga pagbaha sa mga lansangan, estero at ilog.
Dagdag pa ni Abalos, kolekta sila nang kolekta ng basura habang ang mga taong walang disiplina ay tapon naman nang tapon ng kanilang mga basura kung saan-saan.
Nanawagan si Abalos na i-recycle na lamang ang mga basurang maaaring pakinabangan kaysa naman itapon sa mga estero o ilog na maaaring makababara sa mga daluyan ng tubig at magresulta ito ng mga pagbaha sa mga lansangan sa Metro manila.