MMDA, inaming napilayan ang kanilang enforcement at traffic management personnel sa pagpapatupad ng NCAP

Aminado ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na lubhang napilayan ang enforcement at traffic management personnel mula nang suspindihin ang implementasyon ng No Contact Apprehension Policy (NCAP).

Ayon kay MMDA Task Force Special Operations Head Col. Bong Nebrija na muling tumaas ang bilang mga pasaway na motorista dahil nahirapan silang ipatupad ang mandato.

Ipinaliwanag ni Nebrija na mas pinagtutuunan nila ng pansin ang madaling makita sa kalsada tulad ng number coding, walang plaka at walang suot na helmet sa motorsiklo pati na ang pagsasaayos ng daloy ng sasakyan.


Ipinunto rin ng opisyal na kung tutuusin ay dagdag pa sa bigat ng trapiko ang panghuhuli ng violators dahil nasasakop ang kalsada hindi tulad noong ipinatutupad ang NCAP.

Gayunman, sa ngayon ay ginagamit aniya ang closed-circuit television (CCTV) cameras sa pag-monitor ng mga aksidente para agad marespondehan at sa mga ipinakalat na traffic enforcer upang alamin kung nasusunod ang deployment.

Mababatid na naglabas ng Temporary Restraining Order (TRO) ang Korte Suprema laban sa NCAP at ang oral arguments hinggil dito ay itinakda sa Enero ng susunod na taon.

Facebook Comments