Kasunod ng pangakong isusulong ang smoke-free environment, mas pinaigting ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang pagtataguyod sa smoke-free environment policy at public awareness ng epekto ng sigarilyo at second-hand smoke.
Binigyang-diin ng MMDA ang inihayag ng US Centers for Disease Control Prevention (CDC) na walang ligtas na lebel ng exposure sa secondhand smoke kahit pa panandalian lang ang pagkakalantad dito.
Nabatid na 25 percent hanggang 30 percent ng mga hindi naninigarilyo pero na-expose sa second-hand smoke ang nagka-lung cancer.
Batay sa resulta ng 2021 Global Adult Tobacco Survey (GATS) na inilabas nitong December 2022, bumaba ang exposure ng secondhand smoke sa bahay, trabaho at mga pampublikong lugar.
Bunsod nito, nanawagan si Dating Department of Health (DOH) Secretary Jaime Galvez Tan sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na patuloy na tugunan ang masamang dulot ng sigarilyo kabilang dito ang pagtaas ng excise tax sa tobacco, pag-institutionalize sa smoke-free policy, mahigpit na pagre-regulate ng e-cigarettes at mga heated tobacco products, at marami pang iba.
Sa kabila ng pagbaba ng bilang ng mga nalalantad sa secondhand smoke, patuloy ang MMDA sa kanilang mga aktibidad na makontrol ang tobacco.
Kabilang dito ang pagbibigay technical assistance sa labing pitong Local Government Units (LGUs) para sa development ng polisiya, kapasidad, communication strategies, at monitoring compliance.
Restriksyon sa mga menor de edad sa pagbebenta ng sigarilyo lalo na sa bisinidad ng paaralan, pagsasagawa ng orientation sa public transport terminals sa panganib na dala ng sigarilyo at implementasyon ng 100-percent smoke-free workplace policy sa ilalim ng Civil Service Commission Memoranum Circular No. 17 series of 2009.
Una nang nanawagan si Dr. Ma. Victoria Raquiza, co-convenor ng Social Watch Philippines sa mga mambabatas na napapanahon na ang pagpasa ng House Bill 5315 o ang the Smoke-Free Environment Bill upang maprotektahan ang publiko sa secondhand smoke.
Sa ilalim ng panukalang batas na akda ni Kalinga Partylist Irene Gay Saulog, layong nitong i-institutionalize ang pagbabawal ng paninigarilyo sa mga public places sa buong bansa.