MMDA, kakasuhan ang Move It rider na nagtangkang tumakas matapos halos sagasaan ang mga traffic enforcers

Kakasuhan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang isang rider ng motorcycle ride-hailing service na Move It dahil sa tangka nitong pagtakas nang halos kanyang sagasaan ang mga traffic enforcers na humuli sa kanya dahil sa paglabag sa EDSA Bus Lane policy.

Na-flagged down ng MMDA Special Operations Group-Strike Force ang Move It rider na may sakay na pasahero sa EDSA-Cubao northbound ngayong araw, 8:30 ng umaga, imbes na huminto para mabigyan ng violation ticket, hinarurot ng rider ang kanyang motor.

Sinubukan ng tatlong traffic enforcers na pigilan ang rider sa kanyang pagtakas, pero sila ang nanganib.


Ang rider ay tuluyang natikitan sa paglabag sa EDSA Bus Lane policy at reckless driving.

Sa utos ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) acting Chairman Atty. Don Artes, magsusumite ang ahensiya ng report sa ride-hailing app na kanyang pinapasukan at maghahain ng reklamo sa Land Transportation Office (LTO) kasabay ng paghiling na kanselahin ang kanyang lisensya.

Patong-patong din na criminal charges ang planong isampa ng ahensiya laban sa rider ng Move It.

Facebook Comments