Nagbabala si Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Benhur Abalos sa mga sangkot sa napabalitang nagbebenta umano ng vaccination priority slots.
Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni Abalos na may mga report kasi silang natanggap na nangyayari ang pagbebenta ng bakuna maging ng vaccination slot sa Mandaluyong City at San Juan City.
Ayon kay Abalos, bawal ibenta ang bakuna dahil libre itong ipinagkakaloob ng pamahalaan at dahil Emergency Use Authorization (EUA) pa lamang ang mayroon sa lahat ng aprubadong bakuna kontra COVID-19.
Sinabi nito na mamaya ay magtutungo sila sa National Bureau of Investigation (NBI) Cybercrime Division upang mapanagot ang mga nasa likod ng iligal na aktibidad.
Aniya, may lead na sila at seryoso ang pamahalaan na parusahan ang mga nasa likod nito.
Paliwanag ni Abalos maliban sa estafa at direct bribery, mahaharap din sa paglabag sa Bayanihan Law ang mga sangkot dito.
Kasunod nito, umaapela si Abalos sa publiko na makiisa sa pamahalaan at ‘wag na gumawa ng ganitong mga bagay dahil pinaghirapan ito ng gobyerno, mga medical frontliner at iba pang sektor na nagtulong-tulong magkaroon lang ng suplay ng bakuna sa bansa.