
Pansamantalang ipatutupad ng Metropolitan Manila Development Authority o MMDA ang zipper lane o counterflow sa Commonwealth Avenue sa ika-apat na State of the Nation Address o SONA ni Pangulong Bongbong Marcos.
Ito ay para bigyang daan ang mga sasakyan ng mga government official at guests na pupunta sa Batasang Pambansa sa Quezon City.
Inaabisuhan naman ang mga motorista na dumaan sa mga alternatibong ruta para maiwasan ang matinding traffic sa Commonwealth Avenue at IBP Road.
Narito ant mga alternatibong ruta.
Northbound (Quezon Memorial Circle papuntang Fairview)
• ang mga sasakyang mula sa Elliptical Road ay dapat dumaan sa North Avenue, kumanan sa Mindanao Avenue, at kumanan ulit sa Sauyo Road o dumaan sa Quirino Highway para makarating sa destinasyon.
Southbound (Fairview papuntang Quezon Memorial Circle)
• ang mga sasakyan mula sa Commonwealth Avenue ay dapat dumaan sa Sauyo Road o Quirino Highway, kumaliwa sa Mindanao Avenue saka kumaliwa sa North Avenue para makarating sa point of destination.
Para naman sa mga magagaang sasakyan.
• ang mga sasakyan mula sa C5 Road ay puwedeng kumaliwa sa Magiting St., kumanan sa Maginhawa St., kumaliwa sa Mayaman St. hanggang Kalayaan Avenue hanggang makarating sa point of destination.
Para sa mga truck:
• lahat ng truck mula sa C-5 o ang mga nasa Katipunan Avenue ay dapat dumaan sa Luzon Flyover at kumaliwa sa at Congressional Avenue hanggang makarating sa pupuntahan.









