Magtatalaga ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ng mga permanenteng personnel na magsasagawa ng dredging activities at restoration ng mga dike tuwing bumabaha sa Marikina City.
Ito ang pangako ni MMDA Chairman Benhur Abalos Jr. matapos itong makipagpulong kay City Mayor Marcelino “Marcy” Teodoro at sa iba pang opisyal ng lungsod.
Ayon kay Abalos, tutulungan nila ang Marikina upang lumaki at lumawak ang kapasidad ng Marikina River at maiwasan ang mas matinding pagbaha o kalamidad sa hinaharap tulad ng mga nangyari nitong mga nakaraang taon.
Bukod dito, nangako rin ang MMDA Chief na aayusin nito ang mga dike sa Provident Village na nawasak matapos manalasa ang Bagyong Ulysses noong November 2020.
Laking pasasalamat naman ni Mayor Teodoro kay Abalos dahil tumutulong ang MMDA sa lungsod bago at pagkatapos ng mga kalamidad habang hinukay at hinakot din nito ang tinatayang 950,000 cubic meters na debris sa kanilang lugar.
Samantala, pinuri naman ni Abalos ang mga hakbang ng Marikina laban sa COVID-19 kabilang na ang pagpapatayo nito ng Molecular Laboratory.