
Makikipag-ugnayan ang Metro Manila Development Authority (MMDA) sa mga kompanya ng bus kaugnay sa muling pagpayag sa mga provincial bus na pansamantalang makadaan ulit sa EDSA.
Sa harap ito ng inaasahang dagsa ng mga uuwi sa mga probinsiya ngayong holiday season.
Ayon kay MMDA Chairman Don Artes, pagkatapos ng pulong ay saka pa lamang nila iaanunsiyo kung kailan magsisimulang payagan na makadaan ang mga provincial bus.
Samantala, sa isyu naman ng mga e-bike at e-trike sa mga pangunahing lansangan, sinabi ni Metro Manila Council (MMC) President at San Juan Mayor Francis Zamora na matagal nang ipinagbabawal sa mga major road ang mga ganitong uri ng sasakyan.
Ginawa ang pahayag ngayong huling pulong ng MMC sa Maynila kung saan nagbigay rin ang Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) ng tig-iisang Patient Transport Vehicles sa bawat lungsod sa Metro Manila.
Muli namang tiniyak ng MMC ang kanilang suporta kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa kabila ng mga kabi-kabilang isyu ngayon sa bansa.









