Ibinida ni Metropolitan Manila Development Authority o MMDA acting Chairman Atty. Don Artes ang kauna-unahang MMDA Mobile Commander Center na ilulunsad sa State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., sa Lunes.
Sa ginanap na forum sa Quezon City, sinabi ni Artes na malaki ang maitutulong ng MMDA Mobile Commander Center hindi lang sa SONA ng pangulo bagkus maaari ring gamitin ng mga aktibidad ng Philippine National Police o PNP at Armed Forces of the Philippines o AFP maging sa mga nangyayaring kalamidad dahil sa sobrang high-tech umano ang features nito.
Hindi na idenetalye pa ni Atty. Artes kung bakit sobrang high-tech ng naturang MMDA Mobile Command Center na gagamitin sa SONA ng pangulo.
Ang MMDA Mobile Command Center ay ide-deploy sa kahabaan ng Commonwealth Avenue kung saan ito’y nakasakay sa trak at magsisilbing monitoring ng ahensiya sa mga mangyayaring aktibidad sa SONA ng pangulo sa lunes.
Muli ring tiniyak ni Artes ang kahandaan ng MMDA sa SONA ng pangulo.
Bukod sa ipapakalat na higit 1,300 traffic enforcers sa Commonwealth at Batasan Complex, may mga street sweeper din ang itatalaga sa mga nasabing lugar.
Titiyakin ng MMDA na magiging malinis sa basura ang lugar bago at pagkatapos ng SONA.