Muling pinaalalahan ng Metropolitan Manila Development Authority o MMDA ang publiko na mahigpit na ipinagbabawal ang pagdaan sa EDSA Busway ng mga hindi awtorisadong sasakyan lalo na ang mga bisikleta.
Ang pahayag ay ginawa kasunod nang natanggap na video ng MMDA kung saan ilang grupo ng mga kabataang siklista ang dumaan sa EDSA Busway sa bahagi ng Pasay City.
Makikita pa sa video na natanggap ng MMDA na nagmamadaling pumadyak ang mga nakabisikleta dahil mayroong bus sa kanilang likuran.
Gayunman, hindi nabanggit ng MMDA kung pinagmulta ba ang mga siklista na dumaan dito.
Ayon sa MMDA, nasa P5,000 ang multa para sa unang paglabag at nasa P40,000 ang multa sa ika-apat na paglabag kung saan maaari pang ipawalang bisa ang kanilang driver’s license.