Muling binalikan ng MMDA Task Force Special Operations (TFSO) ang mga illegal vendor sa Baclaran ngayong umaga.
Unang sinuyod ng MMDA ang service road ng Roxas Boulevard sa Parañaque City.
Kinumpiska ng MMDA ang mga panindang naabutan nila sa maling lugar tulad ng mga soft drinks at ilang mga gamit sa paninda gaya ng cooler at screen.
Sa bahagi ng Redemptorist Road, nasita at pinagsabihan ni Colonel Memel Roxas head ng TFSO Bravo ang mga vendor dahil sa mga basura at upos ng sigarilyong nagkalat sa tapat ng kanilang tindahan.
Pinawalis at pinapulot ng MMDA sa mga vendor ang mga kalat at pinapatay din ang malalakas na sound system na perwisyo umano sa mga nagsisimba sa Baclaran.
Samantala, nagkaroon ng bahagyang tensyon sa pagitan ng mga vendor at MMDA sa bahagi ng Taft Avenue nang masita ni Colonel Roxas ang mga panindang lagpas sa bangketa.
Giit ng ilang nakapwesto, sakop nila ang bahagi ng bangketa dahil kasama ito sa kanilang nirerentahan.
Pinutol din ng MMDA ang mga linya ng kuryenteng illegal na nakakunekta sa mga tindahan na nasa ilalim ng LRT Baclaran Station.
Isa sa mga kawad ng kuryente ay isinemento pa sa kalsada upang hindi agad matanggal