Matapos dagsain ng mga local tourist ang Manila bay upang makita ang dolomites white sand, nagbabala ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa publiko na huwag magtatapon ng basura sa lugar.
Ayon kay MMDA Assistant Secretary Celine Pialago, may mga tauhan sila at mga environmental marshal na ipakakalat upang isyuhan ng violation ticket ang mga magtatapon ng basura, hindi lang sa white sand kundi sa buong kahabaan ng Manila Bay.
Hindi man sinabi ni Pialago kung anu-ano ang kaparusahan sa mga mahuhuling nagkakalat ng basura, may payo naman ito sa publiko na makiisa na lang sa layunin ng pamahalaan na mapaganda ang Manila Bay.
Matatandaang kahapon ay nagkaroon din ng coastal clean-up ang MMDA sa Manila Yacht Club, Manila Bay, kung saan nakakuha sila ng isa hanggang dalawang truck ng basura tulad ng styro box, plastics bag at bottle, kahoy at iba pang mga basura na di nabubulok.