Nagpaalala ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na simula ngayong araw, March 27 ay huhulihin na nila ang mga lalabag sa exclusive motorcycle lane sa Commonwealth Avenue sa Quezon City.
Ayon sa MMDA, sapat na ang ibinigay na panahon upang mapaintindi sa mga motorista ang paggamit ng naturang eksklusibong lane.
Ito’y sa kabila ng maraming nasisitang lumalabag sa dry run nito.
Paliwanag ng MMDA, umabot na sa 18,869 na mga motorista ang mga nasita sa dry run ng motorcycle lane sa Commonwealth Avenue QC.
Ito’y mula nang simulan ito noong March 9 hanggang Huwebes, March 23.
Base sa datos, 4,175 ang mga nasitang motorcycle riders at 14,694 naman na four-wheel vehicles mula sa Elliptical Road hanggang Doña Carmen at vice versa.
Nabatid na pinalawig pa ng MMDA ng isang linggo ang dry run ng exclusive motorcycle lane sa Commonwealth Avenue para bigyan-daan ang isinasagawang road patch works ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa nasabing kalsada.