Nagpaalala ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na simula lunes, March 27 ay huhulihin na nila ang mga lalabag sa exclusive motorcycle lane sa Commonwealth Avenue sa Quezon City.
Ayon sa MMDA, sapat na anila na ang ibinigay na panahon upang mapaunawa sa mga motorista ang paggamit ng naturang eksklusibong lane.
Ito’y sa kabila ng maraming nasisitang lumalabag sa dry run nito.
Paliwanag ng MMDA, umabot na sa 18,869 na mga motorista ang mga nasita sa isinagawng dry run ng motorcycle lane sa Commonwealth Avenue mula nang simulan ito noong March 9 hanggang kahapon March 23.
Base sa datos, 4,175 sa mga nasita ang motorcycle riders at 14,694 naman na four-wheel vehicles mula sa Elliptical Road hanggang Doña Carmen at vice versa.
Nabatid na pinalawig pa ng MMDA ng isang linggo ang dry run ng exclusive motorcycle lane sa Commonwealth Avenue para bigyan-daan ang isinasagawang road patch works ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa nasabing kalsada dahil sa baku-bakong bahagi ng motorcyle lane sa Commonwealth Avenue.