Nagsagawa ng clearing operation kontra illegal vendors ang Metro Manila Development Authority o MMDA sa Baclaran, Parañaque.
Pero taliwas sa inaasahan, nasorpresa ang MMDA dahil naging malinis at walang sagabal mula Taft Avenue sa Pasay hanggang makarating ng Baclaran.
Ilan lang sa mga sinita ng MMDA ay ang mga vendor na kanilang binigyan ng lugar kung saan pwedeng magtinda dahil sa lumagpas ang mga ito sa pwesto.
Hinala naman ng MMDA na nakatunog ang mga pasaway na vendors dahil kahapon lamang ay nakatanggap sila ng reklamo na hindi na madaan ng anumang sasakyan ang naturang lugar.
Hindi din sigurado ang MMDA kung isa sa kanilang mga tauhan o mga pulis na naka-destino sa Police Community Precint 1 sa baclaranang nagbigay ng impormasyon o tumimbre sa tinatawag na ahente ng mga iligal na vendor.
Sa ngayon, patuloy na nakabantay ang MMDA sa paligid ng Baclaran at plano din nilang magsagawa ng operasyon sa mga susunod pang araw.