MMDA, nilinaw na isang quarantine restriction lang ang paiiralin sa Metro Manila pagkatapos ng May 31

Nilinaw ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na isang quarantine status lang ang ipatutupad sa National Capital Region (NCR) pagsapit ng Hunyo.

Sa harap ito ng hating opinyon ng mga alkalde hinggil sa posibleng pagpapaluwag ng lockdown restrictions sa Metro Manila pagkatapos ng May 31.

Matatandaang sinabi ni Metro Manila Council (MMC) Chairman at Parañaque City Mayor Edwin Olivarez na handa na ang NCR na sumailalim sa General Community Quarantine (GCQ) bagay na hindi pinaboran ni San Juan City Mayor Francis Zamora.


Sa interview ng RMN Manila kay MMDA General Manager Jojo Garcia, sinabi niyang “borderless” ang Metro Manila kaya isang quarantine restrictions lang ang dapat pairalin.

Bukas, May 27, 2020, magpupulong ang MMC para bumuo ng rekomendasyon hinggil sa posibleng pagpapaluwag o pagpapanatili ng Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) sa NCR.

Samantala, tiniyak naman ng Joint Task Force (JTF) COVID Shield na mas magiging mahigpit ang gagawin nilang pagbabantay sa Metro Manila oras na ibaba na ito sa GCQ.

Facebook Comments