Normal na magbigay ng kortesiya ang mga pulis at traffic enforcer sa mga very important person (VIP) katulad ng mga matataas na opisyal ng gobyerno sa paggamit ng kalsada.
Pahayag ito ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) acting chairman Romando Artes, kasunod ng viral video na daraan ang isang VIP sa Commonwealth Avenue na nagdulot ng matinding daloy ng trapiko.
Ayon kay Artes, nagpapaabot ng kortesiya ang mga awtoridad sa Presidente at Bise Presidente bunsod ng security concerns.
Habang ganitong pagtrato rin ang natatanggap ng mga foreign dignitaries tulad ng heads of state ng ibang bansa at maging sa mga opisyal ng International Basketball Federation na dumalo sa pag-host natin ng FIBA World Cup.
Paglilinaw naman ng opisyal, seguridad ang pangunahing dahilan nito at hindi dahil sa pribilehiyo at karapatan ng mga nabanggit na indibidwal.
Dagdag pa ni Artes, nakapdepende pa rin sa sitwasyon ang biglaang paghawi ng trapiko para sa VIPs at walang ispesipikong panuntunan para rito.
Nitong October 5 nang mag-trending ang video, kung saan nagdulot ng trapiko ang pagtigil sa mga motorista sa Commonwealth dahil daraan umano si Vice President Sara Duterte pero kalaunan ay pinabulaanan ng opisyal na siya ang mahalagang taong babagtas dito.
Humingi na ng paumanhin ang Quezon City Police District kay Duterte sa nangyaring insidente at sinibak na si Executive Master Sergeant Verdo Pantollano habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.