Puspusan ang clearing operations ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Task Force Special Operations sa mga lansangan sa Maynila.
Target kasi ng MMDA ang ‘zero obstruction’ sa daraanan ng Walk of Faith, na isa sa highlight ng pagdiriwang ng Pista ng Itim na Nazareno sa Lunes.
Partikular na inalis sa mga kalsada ang mga iligal na nakaparada at illegal vendors para walang sagabal at maging ligtas para sa mga makikiisa sa prusisyon bukas.
Una nang nagkaroon ng send-off ceremony ang security forces sa Quirino Grandstand para sa pagdiriwang ng Kapistahan ng Itim na Nazareno.
Magde-deploy ang MMDA ng 730 tauhan para tumulong sa traffic management at sa patuloy na clearing operations.
Ang Sidewalk Clearing Operations Group (SCOG) ay itatalaga sa crowd control, habang ang Road Emergency Group (REG) ay sa pagresponde sa emergency.
Mahigpit din na babantayan ng mga tauhan sa Metrobase Command Center ang mga kaganapan sa lugar sa pamamagitan ng mga CCTV camera.