
Patuloy na sinusubukan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang iba’t ibang ideya para mabawasan ang matinding trapiko sa Metro Manila.
Sa Bagong Pilipinas Ngayon, sinabi ni MMDA General Manager Nicholas Torre III, sobra na sa kapasidad ang mga sasakyang dumaraan sa EDSA.
Aniya, nasa 45 hanggang 50% na ang overload ng kalsada.
Batay sa tala ng MMDA, umaabot na sa 450,000 sasakyan kada araw ang dumaraan sa EDSA, samantalang 250,000 hanggang 300,000 sasakyan lang ang kaya nitong tanggapin.
Dahil dito, tuloy-tuloy ang inspeksyon ng MMDA sa EDSA, kasama ang paglalabas ng mga traffic advisory at pagpapatupad ng maliliit ngunit agarang pagbabago sa traffic enforcement at traffic engineering, para kahit paano ay mapaluwag ang daloy ng trapiko araw-araw.










