MMDA, patuloy na nagkakasa ng paglilinis sa Manila Bay Dolomite Beach

Patuloy na ikinakasa ng mga tauhan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang paglilinis sa Manila Bay Dolomite Beach.

Ito’y dahil sa sangkaterbang basura ang inanod matapos ang ilang araw na pag-uulan.

Sako-sakong mga basura tulad ng plastic, mga sirang damit, sapatos, diaper at mga kahoy ang nahakot sa Dolomite Beach.


Ilang araw ng hindi tumitigil ang MMDA at DENR sa paglilinis upang bumalik sa dating anyo ang baybayin ng Dolomite Beach.

Matatandaan na nitong nakalipas na araw ay ikinasa ang International Coastal Cleanup Day pero hanggang sa ngayon ay marami pa ring basura ang napapadpad sa baybayin ng Dolomite Beach.

Pinapayagan pa rin naman hanggang sa ngayon ang pagbisita ng publiko sa Dolomite Beach kahit pa kasalukuyan itong nililinis kung saan umaasa ang MMDA at DENR na matatangal na nila ang mga basurang naipon dito.

Facebook Comments