MMDA, patuloy na sumusuporta sa PinasLakas Campaign ng DOH

Patuloy ang pagbibigay suporta ng Metro Manila Development Authority (MMDA) sa ikinakasang PinasLakas Campaign ng Department of Health (DOH).

Ito’y upang mas maraming Pilipino pa ang mabigyan ng bakuna kontra COVID-19.

Ayon kay MMDA Dir. Dr. Maria Loida Alzona, nais nilang tumulong upang matapos na pandemyang dulot ng COVID-19 dahil ito ang isa sa naging dahilan kaya pumanaw ang noo’y pinuno ng MMDA na si Ret. Gen. Danny Lim.


Paliwanag pa ng opisyal, hindi lang trapik, basura o baha ang mandato ng MMDA dahil kabilang din sa kanilang tungkulin ay ang public health and safety.

Ito ang dahilan kaya tumutulong ang MMDA sa DOH sa ikinakasang pagbabakuna upang maging ligtas ang bawat isa.

Kasabay nito ay hinimok ni Alzona ang publiko na magpabakuna at magpaturok ng booster dahil mahalaga ito na panlaban sa COVID-19.

Facebook Comments