Inihayag ni Atty. Romando Artes na siyang OIC ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na pinag-aaralan pa nila ang muling pagpapatupad ng number coding sa National Capital Region (NCR).
Ito’y sakaling pumayag ang Inter-Agency Task Force (IATF) sa naging rekomendasyon ng Metro Manila Council (MMC) na ibaba sa Alert Level 1 ang status ng NCR sa ilalim ng MMDA Resolution Mo. 22-06 series of 2022.
Sa pahayag ni Atty. Artes, sakaling nasa Alert Level 1 na, wala nang magiging restriction sa kapasidad ng mga biyahe kung saan inaasahan na lalabas ang publiko dahil sa muling pagbubukas ng industriya at mga negosyo.
Ayon kay Atty. Artes, nagkaroon siya ng pagpupulong sa sector heads ng MMDA at lumalabas sa kanilang pag-aaral na hindi sa buong araw ay nagiging mabigat ang daloy ng trapiko kaya’t wala muna silang balak na ipatupad ang full implementation ng number coding.
Kaya’t dahil dito, plano at pinag-aaralan nila na gawin ang number coding mula alas-7:00 ng umaga hanggang alas-9:00 ng umaga at kanila pa ring ipagpapatuloy ang number coding ng alas-5:00 ng hapon hanggang alas-8:00 ng umaga.
Titignan din nila ang magiging epekto ng daloy ng trapiko kahit pa maibaba ang alert level sa NCR lalo na’t kulang pa rin sa ngayon ang mga pampublikong sasakyan.
Nabatid na base sa nasabing resolution, nagdesisyon ang lahat ng alkalde sa NCR na ibaban sa Alert Level 1 ang status dahil sa patuloy na pagbaba ng kaso sa loob ng dalawang linggo kahit pa kaliwa’t kanan ang aktibidad ng supporters ng mga kandidato.