Plano ngayon ng Metropolitan Manila Development Authority o MMDA na himukin ang mga lokal na pamahalaan na magkaroon ng mga “road safety park” sa kani-kanilang mga lugar.
Ang nasabing pahayag ay kasabay ng re-launching ng MMDA ng “Children’s Road Safety Park” na matatagpuan sa Adriatico St. Sa Malate, Maynila na katapat ng Manila Zoo.
Ayon kay MMDA Chairman Danilo Lim, ang naturang parke ay hindi lamang recreational park kundi isang educational park na para sa mga bata.
Sinabi ni Lim na isa itong mahalagang pasilidad para sa publiko dahil naniniwala siya na mas epektibo na turuan ang mga bata habang maaga pa para malaman ang disiplina at kaligtasan sa kalye.
Ang Children’s Road Safety Park sa Maynila ay ang kauna-unahan sa Pilipinas, kaya umaasa si Lim na madadagdagan pa ito sa tulong ng mga LGU at private sector.
Libre para sa publiko ang parke, kaya walang dapat bayaran ang mga tao tuwing dadalaw sa lugar kung saan bukas ito tuwing alas-8:00 ng umaga hanggang alas-5:00 ng hapon.