Nagpadala ng complaint letter si Metro Manila Development Authority (MMDA) Spokesperson and Assistant Secretary Celine Pialago sa pamunuan ng ABS-CBN News and Current Affairs Division laban sa kanilang mamamahayag na si Doris Bigornia.
Batay sa reklamong ipinadala ni Pialago kay Ging Reyes, head ng nasabing departamento, madalas siyang sigawan at siraan umano ni Bigornia. Umabot na daw sa puntong sinaktan siya ng news personality nang minsan magkita sa Makati City Hall.
Makailang ulit na din daw siyang pinapahiya ni Bigornia.
“During a press conference she shouted to her camera operator, Si GM lang kukunan mo sa frame wag mo isama yang katabi niya,” dagdag nito.
Kung anu-ano na din umanong tsismis ang pinapakalat ni Bigornia laban sa kaniya.
“She was backstabbing me, saying my nose is fake, my body is fake, and everything about me is fake and that is totally below the belt.”
Sinubukan daw ni MMDA General Manager Jojo Garcia na solusyunan ang hidwaan ng dalawa ngunit sinabi raw ni Bigornia, hindi ‘existing’ si Pialago sa buhay nito.
Ayon kay Pialago, wala siyang masamang ginagawa sa veteran journalist kaya laking pagtataka niya kung bakit madalas i-bully ni Bigornia.
Kasunod nito, pinakiusapan din niya ang management ng naturang istayon na mag-talaga ng ibang reporter na magcocover sa MMDA.
Bago maging bahagi ng MMDA, dating reporter si Pialago sa PTV-4 at RPN 9 at naging kandidata ng Miss Earth Philippines noong 2014.
Kasalukuyan ng pinag-aaralan at iniimbestigahan ng ABS-CBN ang reklamong hinain ng MMDA Spokesperson.