Tiniyak ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na wala nang mangyayaring “ipitan” sa pagitan ng mga traffic enforcer at ng motoristang lumabag sa batas trapiko.
Ito’y makaraang ihayag ng MMDA na “corruption-free” ang pagpapatupad ng Single Ticketing System na aarangkada sa pitong lugar sa Metro Manila na nakapagpasa na ng ordinansa hinggil dito.
Sa pulong balitaan, matapos ang paglalagda ng Memorandum of Agreement (MOA) sa MMDA headquarters sa Pasig City, sinabi ni MMDA Acting Chairman Atty. Romando Artes na digital na ang gagawing paniniket ng mga enforcer.
Lalagyan din ng body cameras ang mga traffic enforcer na naka-link sa command center na magmo-monitor sa galaw ng mga ito.
Samantala, sa usapin ng pagbabayad ng multa ay sinabi ni Artes na bibigyan ng option ang mga motorista kung babayaran nila “on-the-spot” sa enforcer gamit ang load wallet o ‘di kaya’y sa pinakamalapit na Bayad Center sa kanilang lugar.