MMDA, tuloy ang ugnayan sa DepEd hinggil sa pagsasagawa ng face-to-face classes

Nakikipag-ugnayan ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa Department of Education (DepEd) para sa pagpapanumbalik ng pilot face-to-face classes sa National Capital Region (NCR) na ngayon ay nasa ilalim na ng Alert Level 2.

Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni MMDA Chairman Benhur Abalos na mahalaga ang edukasyon kung kaya’t mahalagang maplantsa na nila ito katuwang ang DepEd.

Naunsyame kasi ang implementasyon ng face-to-face classes sa Metro Manila dahil sa pagsasailalim dito kamakailan sa Alert Level 3 bunsod ng pagtaas ng kaso ng COVID-19 dahil sa Omicron variant.


Kasunod nito, ikakasa nila ang dayalogo kasama ang DepEd.

Una nang sinabi ng Palasyo na walang naging pagtutol si Pangulong Rodrigo Duterte sa naging rekumendasyon ng DepEd na “progressive expansion” ng limited face-to-face classes sa mga lugar na nasa ilalim ngayon ng Alert Level 1 & 2.

Facebook Comments