Umaasa ang Metro Manila Development Authority o MMDA na mabibigyan na ng pansin ang inihaing panukala ni Quezon City Rep. Winnie Castelo, para sa ikabubuti ng kanilang mga tauhan.
Ayon kay Bong Nebrija head ng traffic management ng MMDA, nakasaad sa panukala ni Castelo na mabibigyan ng hazard pay ang kanilang mga enforcers kung saan mapag-aralan daw sana ito sa pagpasok ng 18th Congress.
Nabatid kasi na lumalabas sa isinagawang pag-aaral ng scientist na si Dr. Emmanuel Baja ng National Institutes of Health ng Philippine General Hospital, bukod sa altapresyon at paghina mg baga, ilan sa mga traffic enforcers ay may mga lead, mercury at black carbon na posibleng nakuha mula sa usok ng sasakyan.
Nabatid na nasa 158 traffic personnel ang sinuri ni Baja na nakatalaga sa EDSA mula alas-5:00 ng umaga hanggang alas-2:00 ng hapon at ayon sa kaniya, malaki ang posibilidad na may magka-problema ang mga ito sa kanilang kalusugan.
Sa ngayon, magpo-provide muna ng mga gamot at insurance ang MMDA para sa kanilang mga enforcer pero hindi kasama dito ang mga empleyado na casual at kasama sa job order.