Mga manager ng isang pizza restaurant, hinatulan ng SC na guilty sa pagnanakaw

Hinatulan ng Supreme Court (SC) na guilty sa pagnanakaw ang mga manager ng isang pizza restaurant.

Ito ay dahil sa pagbubulsa nila ng mga service charge na dapat ay may parte pa rin ang mga kapwa empleyado.

Sa desisysong isinulat ni Associate Justice Antonio Kho, pinatawan ng Supreme Court Second Division ang mga manager ng Shakey’s branch sa Angono, Rizal na sina Janice Teologo at Jennifer Delos Santos ng parusang anim na buwang pagkakakulong.

Ipinag-utos din ng korte na magbayad ang mga ito sa mga kapwa empleyado ng kaukulang parte nila ng service charge kasama ang interes.

Noong 2009, nagsumbong ang mga empleyado sa may-ari ng nasabing branch na hindi nila natatanggap ang kanilang bahagi ng service charge.

Pero kahit walang nakukuha, napilitan silang pumirma sa mga dokumento ng payroll dahil ayon sa mga manager, patakaran umano ito ng kumpanya.

Hinatulan ng qualified theft ng Regional Trial Court at ng Court of Appeals ang mga manager, kabilang ang dalawang hindi pa nahuhuli pero binago ng Korte Suprema ang hatol at ginawang simple theft na lang.

Sa ilalim ng Revised Penal Code, ang theft o pagnanakaw ay nangyayari kapag ang isang tao ay kumuha ng isang bagay na pag-aari ng iba nang walang pahintulot, na may layong makinabang mula dito, nang hindi gumagamit ng karahasan o puwersa.

Facebook Comments