Maraming mas batang pasyente na tinatamaan ng severe COVID-19 ang dinadala ngayon sa Philippine General Hospital (PGH).
Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni UP-PGH Spokesperson Dr. Jonas del Rosario na karamihan ngayon sa kanilang mga pasyente ay nasa edad 40’s to 50’s hindi gaya noon na halos mga senior citizen na.
“Napansin namin mas mga bata na rin yung ibang nagkakasakit e hindi gaya noon na mostly naa-ICU yung mga elderly. So, we have this impression na para bang mas nagiging bata at maaaring mabagsik yung virus,” ani Del Rosario.
Ang nakakalungkot aniya, 20% ng mga dumarating sa PGH sa loob ng 24 oras ay namamatay sa emergency room (ER).
Bukod sa malubha na ang kondisyon, hindi pa sila agad maipasok sa loob dahil puno na ang kanilang Intensive Care Unit (ICU).
Ayon kay Del Rosario, hindi nila agad naaasikaso ang ibang pasyente dahil sa kakulangan ng ICU room at hospital beds pero pinipilit nilang maihanap sila ng ibang ospital.
Hindi rin niya itinanggi na nakakaramdam na ng pagod ang kanilang mga health workers.
“Nararamdaman po namin yung pagod, sa totoo lang po,” saad niya.
“Isa pa pong limitation yan ‘no. Gusto pa namin talagangmag-expand e kaya lang ang limitation yung tao. Kailangan mga trained na doktor yan, hindi naman pwedeng kumuha ka lang ‘o sige, lagay mo dyan’.”
Aminado naman si Del Rosario na nahihiyang humingi ng karagdagang healthcare workers ang PGH mula sa ibang probinsya dahil sa tingin nila ay mas kailangan ito ng ibang ospital.
Sa halip, binabawasan na lamang nila ang wards para sa mga non-COVID para matutukan ng ibang mga doktor at nurse ang mga pasyenteng may COVID-19.
“Parang pakiramdam po namin mas kailangan ng ibang ospital. So, tina-try po namin na gawan ng paraan within our rank post. Ang isa po sa solusyon na ginagawa ng PGH, sinasara po namin yung non-COVID wards po ulit para yung ibang doktor at nurses ay tumulong muna dun sa COVID,” dagdag niya.