Iniutos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga state university and college na palakasin ang research and development para sa lokal na produksyon ng mga binhi.
Sa pulong ng Private Sector Advisory Council (PSAC) – Agriculture Sector sa Palasyo, sinabi ng Pangulo na inaasahang bubuti ang produksyon ng agrikultura at food security ng bansa kung locally produced ang mga binhing gagamitin sa pagtatanim, sa halip na gumamit ng mga hybrid na binhi.
Maaari aniyang tumulong ang mga graduate at estudyante ng mga agricultural state university and college sa pananaliksik at pag-develop ng mga binhi.
Sa datos ng Commission on Higher Education, 70 state universities ang nag-aalok ng agricultural courses, kung saan 15 lang ang may pasilidad para sa coconut production.
Inirekomenda ni Commission on Higher Education (CHED) Chairman Prospero De Vera sa Department of Agriculture (DA) na makipagkasundo sa pribadong o payagang gamitin ang mga nakatiwangwang na lupa sa ilang state universities para makapagtayo ng pasilidad para sa research and development ng seed production.