Nilagdaan na ng Department of Transportation (DOTr) at Land Bank of the Philippines (LBP) ang kasunduan nito kaugnay sa kanilang anim na mga programa upang maiayos ang public transportation sa bansa.
Sa virtual signing na ginawa kaninang umaga, ang anim na mga progama ng DOTr ay ang NCSR-Ex Appraisal Project, Resettlement Action Plan Entitlements Distribution Mechanism, Distribution of Cash Subsidy for Operators (Fuel Subsidy Scheme), Automatic Fare Collection System (AFCS), Special Package for Environment-friendly and Efficiently-driven Public Utility Vehicles (SPEED-PUV) Program, at I-RESCUE Program.
Sa mensahe na ibinigay ni DOTr Secretary Arthur Tugade, hangarin nito na magkaroon ng komportableng transportasyon ang lahat ng mga Pilipino.
Aniya, ang anim na programang nilagdaan nila ngayon ay may layuning maiangat ang kalidad ng pampublikong transportasyon sa bansa.
Nagpasalamat ang kalihim sa LBP sa patuloy nitong pakikipagtulungan sa ahensya upang maisakatuparan ang mga programa nito para sa bansa.