Inihayag ni Land Transportation Office (LTO) Deputy Director Roberto Valera na nire-review na nila ang mga pinirmahang Memorandum of Agreement (MOA) hinggil sa pagpapatupad ng No-Contact Apprehension Policy (NCAP).
Ayon kay Valera, sa pagdalo nito sa Kapihan sa Manila Bay, ang binuo nilang Technical Working Group (TWG) ang siyang nagre-review ng nasabing mga MOA habang kumokunsulta na ang LTO sa iba’t-ibang sector hinggil sa isyu ng NCAP.
Bukod dito, nakikipag-ugnayan na rin ang LTO sa mga TWG na binuo naman ng mga local government units (LGU) na nagpapatupad ng NCAP sa kani-kanilang lungsod.
Sinabi ni Valera na isa sa mga napag-usapan nila kasama ang mga LGUs ay kung paano maipapatupad ang data privacy ng mga lumalabag sa NCAP sa ilalim na rin ng pinirmahang mga MOA.
Dagdag pa ni Valera, nakipag-ugnayan na rin sa sa National Privacy Commission (NPC) upang maiayos ang pagpapatupad ang NCAP ng hindi naaapektuhan ang buong detalye ng isang indibidwal na lumabag dito.
Bukod dito, pinag-aaralan na rin kung paano magiging parehas ang proseso ng mga LGUs na nagpapatupad ng NCAP gayundin kung paano malalaman agad ng isang motorista kung nagkaroon siya ng paglabag.
Iginiit ni Valera na reklamo ng ibang motorista na nalalaman na lamang nila na mayroon silang record sa oras na i-renew nila ang rehistro ng kanilang sasakyan.
Isa rin sa pinag-aaralan ng binuong TWG ng LTO ay kung paano maiko-contest ng isang motorista ang kaniyang traffic violation para magkaroon ng pagkakataon na ma-review ito.