MOBILE BUS CLINIC AT HOUSING PROJECT SA BINMALEY, SINAYANG UMANO NG KASALUKUYANG ADMINISTRASYON

Sinayang umano ng administrasyon ni Binmaley Mayor Pedro Merrera III ang mga kapaki-pakinabang na proyekto sa ilalim ni Vice Mayor Simplicio Rosario matapos balewalain ang magandang dulot sa pamumuhay ng mga residente.

Sa panayam ng IFM News Dagupan sa bise alkalde, inihayag nito na nakahanda na ang mga proyekto bago ang 2022 local elections ngunit hindi na ito ipinagpatuloy ni Mayor Merrera.

Pinunto ng opisyal na mayroon nang sampung aprubadong beneficiary ang housing project sa Brgy. Pallas noong pang bago siya maging bise alkalde kabilang pa ang mobile bus clinic na sana ay itinuloy para mag-ikot sa mga barangay hatid ang libreng X Ray, ECG, Ultrasound at iba pa.

Depensa ni Mayor Merrera na palyado ang technical description ng housing project dahil matapos ang ilang taon ay sira-sira ang bintana, walang patubig at linya ng kuryente.

Pagbabalik ng alkalde sa alegasyon ni Vice Mayor Rosario, ibalik muna umano ang daang milyong utang ng Binmaley upang makapaglagak ng mga proyekto para sa mga residente.

Sa ngayon, hinihintay pa rin ng bise alkalde ang pagpapaunlak ng debate upang matalakay nang direkta ang kada punto ng bawat ibinabatong alegasyon laban sa isa’t-isa. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨

Facebook Comments