Mobile internet speed sa bansa, bumilis pa noong Setyembre

Bumilis pa ang internet speed sa Pilipinas para sa mobile noong Setyembre, subalit bahagyang bumagal sa broadband, batay sa pinakahuling Ookla Speedtest Global Index.

Ayon sa Ookla, nakapagtala ang Pilipinas ng mobile internet speed na 3.73 percent increase noong nakaraang buwan, sa bilis na 35.03 megabits per second (Mbps) kumpara sa 33.7 Mbps na naitala noong Agosto.

Sa broadband naman, bahagyang bumagal ang internet speed sa 71.85 Mbps noong Setyembre mula sa 72.56 Mbps ng sinundan nitong buwan.


Gayunman, sinabi ng National Telecommunications Commission (NTC) na ang naitala noong Setyembre ay kumakatawan pa rin sa 808.34 percent na improvement simula noong 2016.

Sa mga naturang datos, umakyat ang Pilipinas ng isang pwesto, kung saan mula pang-73 ay pang-72 na sa 138 na mga bansa pagdating sa mobile internet speed habang pang-64 mula sa 181 na mga bansa pagdating sa broadband internet speed.

Sa Asya, pang-23 ang Pilipinas sa internet speed para sa mobile at pang-17 para sa fixed broadband mula sa 50 mga bansa sa rehiyon.

Sa Asia-Pacific, nasa ika-13 na pwesto ang Pilipinas para sa mobile at ika-14 sa fixed broadband mula sa 46 na mga bansa.

Sa ASEAN naman, kapwa pang-lima ang Pilipinas sa mobile at broadband internet speeds mula sa sampung mga bansa.

Iniuugnay ng NTC ang pagbuti ng internet speed ng bansa sa direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte noong July 2020, kung saan ipinag-utos nito ang mabilis na pag-proseso ng local government permits para sa pagtatayo ng karagdagang cellular towers upang bumuti ang communication at connectivity sa buong bansa.

Facebook Comments