Hiniling ni Makati City Rep. Luis Campos Jr., sa mga mobile money operator na tumulong na mapababa ang remittance charges na dagdag pasanin sa mga Overseas Filipino Workers o OFWs.
Sabi ni Campos, mainam kung ang mobile money technology players ay mag-roll out na rin ng serbisyo sa ibang bansa at magkaroon ng kakayahang makipagsabayan sa mga bangko sa remittance market para mapababa ang transaction costs.
Binanggit ni Campos na sa kasalukuyan ay nadomina ng mga bangko ang 87 percent ng remittance market at napakataas na 11.69 percent ang average na kinokolekta ng mga ito sa salaping ipinadadala ng mga OFW sa kanilang pamilya.
Tinukoy rin ni Campos ang World Bank’s Remittance Prices Worldwide report na sa ngayon ang mga OFW ay kailangang magbayad ng average na 6.3 percent sa kada $200 na ipadadala sa kanilang pamilya.
Diin ni Campos, batay sa United Nations, makakukuha ng dagdag na $20 billion kada taon ang remittance-receiving families kung bababaan ang remittance charges sa 3% average.