Pinaaapura ng mga kongresista sa National Telecommunications Commission (NTC) ang pagpapatupad ng Mobile Number Portability Act.
Nagpadala ng liham ang mga miyembro ng House Committee on Information and Communications Technology sa pangunguna ng Chairman na si Tarlac Representative Victor Yap sa NTC para hilinging madaliin ang implementasyon ng nasabing batas.
Sa ilalim ng MNP Act ay maaaring panatilihin ng subscriber ang kanyang mobile number kahit lumipat na sa ibang network.
Noong February 2019 pa naisabatas ang MNP Act habang July 2019 naman nailabas ang Implementing Rules and Regulations (IRR) pero hanggang sa ngayon ay hindi pa naipatutupad.
Ang COVID-19 pandemic ang idinahilan ng NTC at ng Telecommunications Connectivity Inc., ang consortium na kumakatawan sa major telecommunication providers sa bansa, sa pagkaantala ng commercial operation ng MNPA.