Ilulunsad ng Commission on Elections (COMELEC) ang isang mobile application na maaaring ma-access sa kahit anong smartphone na layong pabilisin ang proseso ng voters registration.
Ayon kay Commissioner Marlon Casquejo na siyang nag-conceptualize sa proyekto, napapanahon ang mobile app sa harap ng restrictions na hatid ng pandemya.
Sa pamamagitan ng mobile app, mas makakatipid ng oras, pera para mag-download at mag-print ng form mula sa computer shop at hindi na kailangang magpunta pa sa COMELEC offices para humingi ng kopya nito.
Magkakaroon ito ng QR code na ipapakita at ipapa-scan sa COMELEC Offices kapag kukuha na ng biometrics.
Maaaring gamitin ang app kahit walang internet connection.
Ang mobile app ay una nang inilunsad sa ilang pilot areas sa bansa kabilang ang National Capital Region, Cebu City at Davao City.
Papasinayaan ni Casquejo ang launching ng mobile registration form app sa Tagum City, Davao del Norte.