Manila, Philippines – Hinikayat ni Eastern Samar Representative Ben Evardone ang Kamara na manghimasok kaugnay sa nabunyag na fixer na namamagitan sa mga housing beneficiaries at mga housing agencies kaugnay sa mga ini-a-award na housing units sa mga informal settlers.
Iginiit ni Evardone na iligal ito kaya dapat na silipin ng Kamara.
Napag-alaman ni Evardone na may tinatawag na “mobilizers” na umaaktong fixer na siyang tumutulong sa mga informal settlers para makumpleto ang mga papeles at mabilis na mai-proseso ang kanilang mga housing units.
Sinabi pa ng kongresista na binabayaran ang mga mobilizer na ito dahil naniningil ang mga ito sa mga beneficiaries at kahit sa buwanang hulog sa pabahay ay may cut din ang mga ito.
Pero sinabi naman ni Housing Committee Chairman Albee Benitez na nakwestyon na nila ito at inatasan ang mga housing agencies na patigilin ang operasyon ng mga mobilizers.
Ngayong araw, tiniyak naman ni Benitez na kukwestyunin nila ang hindi paglalaan ng pondo sa ilalim ng Housing and Urban Development Coordinating Council.
Iginiit ni Benitez na dumarami ang mga informal settlers pero kumokonti naman ang pondo na inilalaan ng gobyerno para sa pabahay.