Mock elections sa 34 na barangay sa buong bansa, nagsimula na

Inilunsad na ng Commission on Elections (COMELEC) ang mock elections nito sa 34 na barangay sa buong bansa.

Ito ay bilang paghahanda para sa ligtas, mabilis at epektibong pagsasagawa ng halalan sa 2022 sa gitna ng nagpapatuloy na banta ng COVID-19.

Ayon kay COMELEC Spokesman James Jimenez, hindi nila inaasahan ang mataas na voter turnout ngayong araw kung saan nakapagtala sila ng average 600 hanggang 700 registered voters sa kada presinto.


Samantala, bago makapasok sa polling place ay dumaan muna sa mahigpit na checkpoint ang mga botante, sumalang sa body temperature check at nagsumite ng health declaration form.

Sinumang makikitaan ng sintomas ng COVID-19 ay papayagan pa ring makaboto pero dadalhin sila sa isolation polling precinct.

Sampung botante lang ang papayagang makaboto nang sabay-sabay sa loob ng presinto kung saan aabutin lamang sila ng limang minuto.

Isasara ang mock elections mamayang alas-5:00 ng hapon.

Isasagawa naman ang transmission at canvassing ng mga boto sa Cuneta Astrodome sa Pasay City.

Facebook Comments