Ibinida ng Paranaque National High School – main campus ang mga makabagong kagamitan sa pag-aaral at istilo ng pagtuturo sa mga estudyante ngayong panahon ng pandemya.
Ayon kay Paranaque National High School – main campus Principal Gerry Lumaban, tinawag nila itong “Project Hybrid Learning” na ibig sabihin ay kombinasyong ng face-to-face at online class.
Dito papasok ang nasa 15 fully vaccinated na estudyante habang ang ibang mag-aaral ay sabayang nakatutok sa online class.
Mayroong sariling laptop ang mga papasok na estudyante habang mayroong nakatutok na camera sa nagtuturong guro, gayundin sa pisara.
Kaya naman, ang mga estudyanteng nasa online class ay ramdam na ramdam na nasa loob sila ng silid-aralan kung saan nasusunod pa rin ang social distancing bilang pag-iingat sa COVID-19.
Nagpasalamat naman si Principal Lumaban kina Paranaque City Mayor Edwin Olivarez, Congressman Eric Olivarez at Congressman Gus Tambunting sa suporta na ibinibigay ng lokal na pamahalaan gayundin kina City Schools Division Superintendent Dr. Evangeline Ladines, Ceso V Assistant Schools Division Superintendent Violeta Gonzales.
Kamakailan, inaprubahan ng Department of Education at ng Inter-Agency Task force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) ang pilot run ng limitadong face-to-face classes.