Modernisasyon ng AFP, pinatitiyak sa bagong kalihim ng DND

Pinatitiyak ni Senator JV Ejercito ang tagumpay ng modernisasyon ng Armed Forces of the Philippines (AFP) para sa nagbabalik na si Defense Secretary Gilbert Teodoro.

Hinimok ng senador ang kalihim na madaliin ang pagpapalakas ng ating defense posture at pagbabantay sa coastal areas ng bansa sa gitna na rin ng tumitinding tensyon sa West Philippine Sea at South China Sea.

Sinabi ni Ejercito na palagi niyang sinusuportahan ang AFP modernization program partikular sa paglalaan ng budget para sa mga makabagong kagamitan ng militar.


Muling binigyang-diin ng senador na upang malabanan natin ang pambu-bully ng China, dapat protektahan natin ang ating territorial integrity at magkaroon ng nirerespetong Hukbong Sandatahan na may sapat na kagamitan.

Dagdag pa ng mambabatas na mahalagang maipakita na kaya nating ipaglaban ang soberanya ng bansa partikular sa ating mga inaangking teritoryo.

Facebook Comments