Modernisasyon ng NAIA, napapanahon na ayon kay Sen. Poe

Iginiit ni Senator Grace Poe na napapanahon na para isapribado ang operasyon ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Ang apela ni Poe para hingiin ang tulong ng pribadong sektor para sa pag-modernisa ng NAIA ay kaugnay pa rin sa nangyaring aberya noong bagong taon sa paliparan na nakaapekto sa libo-libong mga pasahero.

Ayon kay Poe na siyang Chairman ng Senate Committee on Public Services, mula pa noong 2018 ay itinutulak na niya ang privatization sa operasyon at maintenance ng tinaguriang ‘premier gateway’ ng bansa upang matiyak ang pagiging episyente at ang kaligtasan ng mga pasahero na tumataas ang bilang kada taon.


Punto ni Poe, kung naigawad ang pagsasapribado sa buong airport noong 2018 o 2019 ay naging madali sana ang rehabilitasyon at pagsasaayos sa NAIA dahil wala namang anumang mga aktibidad noong kasagsagan ng pandemya.

Naririyan ang panghihinayang ng senadora na kasama sana sa napag-usapan noon sa rehabilitasyon ng NAIA ang pag-upgrade ng mga airport facilities at pagpapalawak ng mga terminal.

Inihalimbawa pa ni Poe ang pang-world class na airport sa Mactan-Cebu International Airport na bunga ng ginawang privatization na maaaring mangyari din kung gagawin na sa NAIA.

Sa Huwebes, Enero 12 ay pangungunahan ng komite ni Poe ang imbestigasyon sa ‘system glitch’ ng air traffic management system ng NAIA na nagparalisa sa airspace ng bansa at nagpahirap sa libo-libong mga biyahero sa mismong araw pa ng Bagong Taon.

Facebook Comments