Iitnutulak ngayon sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang panukala na nag-a-amyenda sa Bureau of Corrections (BuCor) Act of 2013.
Layunin ng House Bill 10574 ni Muntinlupa Rep. Ruffy Biazon na maisakatuparan ang kinakailangang modernisasyon at maresolba ang mga matagal nang suliranin ng BuCor.
Binanggit sa panukala na “outdated” o napaglipasan na ng panahon ang batas, na nagresulta sa hindi pantay na sweldo para sa mga tauhan, luma-lumang mga pasilidad at kagamitan, at walang pagbabago sa organizational structure.
Bibigyang-linaw rin kung hanggang saan ang kapangyarihan ng BuCor na nasilip sa mga nakalipas na insidente tulad na lamang sa pagtatayo ng ahensya ng pader sa ilang kalsada sa Muntinlupa na nakaapekto sa mga residente.
Tinukoy sa panukala na dapat ay magkaroon ng kaliwanagan sa kapangyarihan ng BuCor, at matiyak na hindi ito makakasagasa sa kapangyarihan ng Department of Justice (DOJ) at lokal na pamahalaan.
Pinatitiyak din ang “check and balance” sa ahensya kung saan ang DOJ ay bibigyan ng “power of supervision and control” sa BuCor.