Modernization plan ng PCG, pinasusumite ng Kamara

Hiniling ng House of Representatives sa Philippine Coast Guard o PCG na magsumite ng komprehensibong strategic modernization plan na magagamit na basehan sa pagtalakay ng pambansang pondo para sa taong 2025.

Sa isusumiteng plano ay pinadedetalye ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez ang mga hakbang at kagamitan na kailangan para mapalakas ang kakayahan ng PCG lalo na sa pagpapatrolya sa at pagbibigay proteksyon sa teritoryo ng bansa lalo na sa West Philippine Sea.

Nais din ni Romualdez na tukuyin ng PCG sa isusumiteng modernization plan ang kasalukuyang kondisyon ng mga asset nito tulad ng mga barko at iba pang kagamitan na kailangang i-upgrade.


Kasama rin ang mga training programs para sa mga tauhan nito at mga inisyatibo para sa Regional Cooperation and Maritime Law Enforcement.

Binigyang diin ni Romualdez na kailangang matiyak na sapat ang pondo at mga kagamitan ng PCG para mabigyang proteksyon ang ating pambansang seguridad at soberenya.

Facebook Comments