Modernong contraceptives, dapat maging accessible din sa mga kabataan – DOH

Itinutulak ng Department of Health (DOH) na magkaroon ng access sa modernong mga pamamaraan ng contraception maging sa mga bata para maiwasan ang teenage pregnancy.

Ayon kay Health Secretary Ted Herbosa, nagre-resulta rin kasi ang teenage pregnancy sa malnutrisyon o pagkamatay ng sanggol.

Maaari aniyang gamitin ang modernong contraceptives, tulad ng implanon, na isang implantable contraceptive na mas madali at epektibo kumpara sa pag-inom ng pills para maiwasan ang unplanned pregnancies, at maaaring maging malaking tulong sa mga kabataang babae.


Aniya, kapag nailagay o nagamit ito ay protektado ang kabataan mula sa hindi planadong pagbubuntis na siyang ugat ng maraming problema tulad ng low birth weight ng mga sanggol o pagkabansot.

Binanggit din ni Herbosa na sa binuksang adolescent clinic sa Las Piñas ay isang 19-anyos na babae ang lumapit dito kung saan nagsimula aniya itong manganak sa edad na 14 taong gulang.

Ayon kay Herbosa, ang mas nakababahala ay iba-iba ang ama ng mga bata na nagresulta sa mas komplikadong hamon para sa dalaga.

Sinabi ng Kalihim na ang pagkabata nito ay ninakaw na dahil malamang hindi na niya natapos ang high school at malabo nang makapag-kolehiyo.

Bukod dito, binanggit din ni Herbosa ang kahalagahan ng planned pregnancies na nagbibigay-daan sa tamang antenatal visits at sapat na nutrisyon para sa ina at sanggol.

Naniniwala rin ang Kalihim na ang mas malawak na access sa modernong contraception ay mahalagang hakbang upang mabawasan ang bilang ng unplanned pregnancies sa bansa at maprotektahan ang kabataan mula sa mga komplikasyong dulot nito.

Facebook Comments